MANILA, Philippines - Sugatan at kasalukuyan pang inoobserbahan sa Tondo General Hospital ang isang 43-anyos na lalaki matapos pagbabarilin habang naglalakad ng riding-in-tandem na pinaniniwalaang mga holdaper sa Road 10 Tondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Ang biktima ay kinilalang si Armen de Leon, ng Gulod St., Tugatog, Meycauayan, Bulacan. Blangko pa ang awtoridad sa pagkikilanlan ng mga suspect at motibo sa krimen.
Sa inisyal na ulat, dakong alas-5:45 ng hapon nitong Linggo nang ang biktima umano ay patungo sa sakayan ng dyip nang biglang sumulpot ang riding-in-tandem at tinangkang agawan ng bag ang biktima ngunit nang nanlaban ito ay binaril sa katawan at saka iniwan.
Nabatid sa pulisya na madalas na ang pag-atake ng holdap ng riding-in-tandem sa lugar, na hindi pa umano nadarakip.