MANILA, Philippines - Kinumpirma kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na isang Pinoy na dating kasambahay ang inabsuwelto ng korte sa Hong Kong matapos na mapatunayang walang kasalanan sa pagkamatay sa isang American couple noong 2003.
Base sa report na tinanggap ng DFA, matapos ang dalawang araw na deliberasyon ng HK High Court ay napatunayang walang sala ang akusadong Pinoy na si Magno Cruz Manalili, 41-anyos, hinggil sa paratang na siya ang sumaksak at pumatay sa mga biktimang sina Ng Ka-mong at Sun King-man, kapwa 54-anyos, at kapwa guro sa isang Chinese school at mga American expatriate.
Matapos ang 23-oras na deliberasyon noong Hunyo 8 ay nakita umano ng 7-man jury na klaro sa nasabing krimen ang nasabing Pinoy helper.
Itinanggi ni Manalili sa korte na siya ang pumaslang sa dalawang biktima na natagpuang may tama ng 10 saksak sa katawan sa loob ng kanilang tahanan sa Ping Tau Village at itinago ang kanilang mga bangkay sa isang storeroom, may walong taon na ang nakalilipas.
Nakita ng korte na naging maganda ang relasyon ng nasabing Pinoy helper sa kanyang mga employer.