MANILA, Philippines - Idinepensa ng iba’t ibang advocacy group at industry stakeholders sa Land Transportation Office (LTO) si LTO chief Virginia Torres, kaugnay sa anila’y planado, kalkulado at all-out demolition job laban sa kaniya.
Sa isang pulong balitaan, kinondena ng mga ito ang ilang mambabatas, na nananawagan para sa pagbibitiw sa puwesto ni Torres, nang hindi muna biniberipikang mabuti ang tunay na mga impormasyon at detalye na bumabalot sa isyu sa pagitan ng LTO chief at Stradcom Corp., ang IT provider ng LTO.
Ang pahayag ay ginawa ng mga grupong Coalition of Clean Air Advocates (CCA), Private Emission Testing Center Owners Association (PETCOA), at ilang public transport organizations, kasunod ng pahayag ni Rep. Danilo Suarez, na nagsabing si Torres ay ang “first acid test” para kay incoming Transportation Secretary Mar Roxas.
Sinabi ni Tony Halili, pangulo ng PETCOA, tulad ng ibang mambabatas na nananawagan para sa pagbibitiw sa puwesto ni Torres, hindi rin alam ni Suarez ang tunay na isyu sa pagitan ni Torres at ng IT firm.
Batay sa LTO records, ang Stradcom ay nakakolekta ng P1.273 billion na inter-connectivity fees mula sa private emission testing centers (PETCs) at P950 million na interconnectivity fees para sa beripikasyon ng certificates of insurance coverage. Sa ilalim ng kasalukuyang iskima, nakakolekta ang Stradcom ng P67 kada transaksiyon mula sa private emission testing centers.
Iginiit ni Halili na ang patuloy na koleksiyon ng Stradcom ng inter-connectivity fees ay illegal at labas sa Build Operate Own (BOO) contract nito sa ahensiya.