Isa pang US warship bibisita sa Pinas
MANILA, Philippines - Sa gitna ng namumuong tensiyon sa pagitan ng Pilipinas at China kaugnay sa pinag-aagawang Spratly Islands, isa pang US warship ang darating sa bansa na inaasahang dadaan sa West Philippine Sea o mas kilala bilang South China Sea.
Gayunman, nilinaw ng US Embassy na ang pagbisita sa Pilipinas ng guided missile destroyer na USS Chung Hoon ay inimbita lamang para sa isinasagawang freedom of navigation operations partikular sa taunang cooperation afloat readiness and training exercise o CARAT.
Ang CARAT exercise ay bahagi ng mutual defense agreement sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Maglalayag umano ang barko sa Sulu Sea at West Philippine Sea na kinukunsidera ng Amerika na international waters upang itaguyod ang “right of free passage” doon.
Umalis ang nasabing barkong pandigma sa joint Pearl Harbor-Hickam Base noong Hunyo 1, 2011 na may sakay na 280 sailors at inaasahang darating sa Palawan sa susunod na linggo para sa isang military exercises na itinakda sa lugar.
Nabatid na noong nakalipas na taon, ang Chung-Hoon at Philippine Coast Guard ay nagsanay sa boarding at searching vessels sa Sulu Sea. Ang nasabing barkong pandigma ay gagamitin ng US at Pilipinas sa counter-insurgency efforts.
Nauna nang bumisita sa bansa ang USS Carl Vinzon, ang warship ng Estados Unidos na nagtapon sa dagat sa bangkay ng international terrorist na si Osama bin Laden.
Sa nasabing pagbisita ng USS Carl Vinzon ay tiniyak naman ni US Ambassador Harry Thomas kay Pangulong Aquino na tutulong ang Estados Unidos sa pagdedepensa sa Pilipinas sakaling magkaroon ng problema sa seguridad kapag inatake ng ibang bansa.
- Latest
- Trending