MANILA, Philippines - Ipagbabawal na sa lalawigan ng Romblon ang pagmimina maging ang small o medium mining exploration.
Ito’y matapos maaprubahan sa ikalawang pagbasa sa plenaryo ang House Bill 4815 na inakda ni Romblon Rep. Leandro Madrona na nagdedeklarang mining free zone ang Romblon.
Sinabi ni Madrona na naging unanimous ang pag-apruba sa naturang panukalang batas ng mga miyembro ng House committee on natural resources makaraang ilang mayor ng lalawigan ang umano’y makatanggap ng pressure para bigyan sila ng permit para sa mining exploration sa lalawigan kapalit ng mga inaalok na trabaho, ilang proyektong pang-imprasktraktura at pagtatayo ng mga school building sa lokalidad.
Binanggit pa ni Madrona ang records ng Mines of Geosciences Bureau (MGB) na nagpapakita ng matinding panganib sa mining residue na idudulot ng pagmimina sa katagalan na siyang pangunahing kinatatakutan ng mga residente ng apektadong komunidad.
Sa mga huling datos mula sa Department of Agriculture, ang Romblon ay kabilang na sa mga nakakaranas ng pagbaha, landslides, storm surges at typhoons na sumira na sa mga pananim at hayupan na umaabot sa P100 milyon.
Umaasa si Madrona na ang kanyang panukalang batas ay maipapasa sa ikatlo at huling pagbasa sa susunod na linggo.