MANILA, Philippines - Naalarma na ang Estados Unidos sa sunud-sunod na panghihimasok ng China sa teritoryong sakop ng Pilipinas sa pinag-aagawang Spratly Islands kaya umapela na ito sa pamahalaang China at Pilipinas na panatilihing maging mahinahon sa kabila ng umiinit na palitan ng salita ng dalawang bansa.
Sinabi ni US Ambassador Harry Thomas Jr. na patuloy na naka-monitor ang Amerika sa nagaganap sa South China Sea subalit nilinaw niya na walang pinapanigan ang Estados Unidos sa anumang bansang nag-aangkin sa Spratlys.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Eduardo Oban, anim na insidente ng pagpasok ng China nang walang pahintulot ang namonitor ng AFP sa nasabing isla.
Bagaman wala umanong balak humingi ng tulong ang Pilipinas sa US dahil sa patuloy na pambu-bully ng China sa bansa kaugnay sa Spratly issue, alinsunod sa Mutual Defense Treaty, obligado ang US forces na sumaklolo sa Pilipinas kapag dumating sa puntong gigiyerahin ito ng ibang bansa tulad ng China.
Ayon pa kay Oban, gaganti ang tropa ng bansa kapag inatake ang mga ito ng anumang puwersa sa Spratlys pero tiwala rin ang Chief of Staff na mareresolba sa diplomatikong pamamaraan ang gusot sa Spratly na hindi na kailangan pang humantong sa ‘shooting war”.
Sa kasalukuyan ay mayroon lamang isang radar ang AFP para magamit sa monitoring gayong anim ang kailangan.
Upang mapatatag ang kapabilidad ng Pilipinas ay mangangailangan ang AFP ng P11.9 bilyon sa loob ng 3 taon para makabili ng mga bagong kagamitang magagamit sa pagbibigay seguridad at proteksyon sa teritoryo ng Pilipinas sa Spratly.
Samantala sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, walang dahilan para ipatigil ang oil exploration sa tinaguriang non-disputed areas na sakop naman ng Pilipinas.
Ayon kay Lacierda, hindi dapat gawing isyu ng China ang exploration activities ng Department of Energy (DoE) sa Reed Bank dahil karapatan ito ng Pilipinas.
Ang Reed Bank ay nasa 80 nautical miles lamang ng Palawan at pasok ito sa ating exclusive economic zone (EEZ).
Kasabay nito, nanawagan ang Palasyo sa lahat ng claimants tulad ng China na iwasan ang paglalabas ng mga pahayag na magpapalala ng tensyon.
Handa naman umano ang Pilipinas na makipag-usap sa mga bansang naghahabol sa Spratly.
Magugunita na ilang beses na nagprotesta ang Pilipinas dahil sa umano’y ginawang panghaharass ng Chinese ships sa Spratlys islands na tinawag ng China na Nansha Islands at ang paglalagay ng kanilang naval camp at gayundin ng planong pagtatayo ng oil rig sa nasabing lugar.
Samantala, nagkakainitan din ang China at Vietnam sa nasabi ring isyu matapos na umalma ang China sa pagkilos ng Vietnam sa Nansha islands nang magkahabulan ang kanilang Navy ships sa nasabing pinag-aagawang isla dahil sa pagtutol ng China na huwag mangisda doon ang mga Vietnamese fishermen. Iginiit ng China na walang karapatan ang Vietnam na mangisda sa nasabing lugar.
Bukod sa China at Vietnam, inaangkin din ng mga bansang Brunei, Taiwan at Malaysia ang Spratly islands na sinasabing mayaman sa reefs.