Hindi namin pinabayaan ang bangkang papel boys - DSWD

MANILA, Philippines - Nilinaw ng  Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi nila pinabayaan ang  Bangkang Papel Boys partikular ang pag-aaral ni Erwin Dolera.

Ayon kay Director Patricia Luna ng DSWD Program Management Bureau, hanggang 2010 lamang ang scholarship ni Dolera kasabay ng pagtatapos ng panunungkulan ni dating Pangulo na ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

Sinabi pa ni Dir. Luna, dahil may sasagot na umano sa huling taon sa kolehiyo ni Dolera, naisip ng DSWD na hindi na kailangan ni Erwin ng pantustos sa kaniyang pag-aaral.

Ang may-ari ng Trinity College na kaniyang pinapasukan ang sumagot sa matrikula nito.

Magugunitang nagreklamo si Dolera, isa sa mga “Bangkang Papel Boys,” na tinanggihan siya ng DSWD kaya hindi pa nakapag-enroll ngayong pasukan.

Nangangamba si Dolera dahil graduating siya ngayon at walang kasiguruhan ang pangako ni DSWD Sec. Dinky Soliman na hahanapan siya ng pondo.

Maliban kay Dolera, 70 pang estudyante ang pinangakuan ng scholarship program ng nakaraang administrasyon.

Show comments