Enrile, Belmonte nag-usap na, Cha-cha aariba na
MANILA, Philippines - Kinumpirma ni Senate President Juan Ponce Enrile na nagkausap na sila ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr. kaugnay sa posibilidad na pag-amyenda sa 1987 Constitution.
Sinabi ni Sen. Enrile, panahon na upang lutasin ang lumalalang problema ng kahirapan sa bansa at ang pag-amyenda sa Konstitusyon ang solusyon upang baguhin ang mga economic provisions nito lalo sa pagpasok ng mga foreign investors.
“Kaming dalawa ni Speaker, nag-usap na kami na panahon nang rebisahin ang Saligang Batas,” wika pa ni Enrile sa mga reporters.
Pero nilinaw din ng Senate chief, kung magkakaroon ng pagbabago sa Konstitusyon dapat limitado lamang ito sa probisyong makakatulong sa paglago ng ekonomiya at hindi dapat pag-usapan ang pagbabago sa uri ng gobyerno o sa termino ng mga opisyal ng pamahalaan.
Naniniwala si Enrile na ang probisyong 60-40 sa ownership ay hindi nakakatulong sa ekonomiya ng bansa bagkus ay nagiging hadlang ito sa pagpasok ng mga foreign investors.
Iginiit naman ng Malacanang na hindi prayoridad ni Pangulong Benigno Aquino III ang pag-amyenda sa Konstitusyon.
Wika pa ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, naninindigan pa rin si Pangulong Aquino na hindi dapat maging prayoridad ang Charter Change (Cha-Cha).
Aniya, patuloy pa rin ang pagtitiwala ng mga foreign investors sa bansa kahit walang pag-amyenda sa economic provision ng 1987 Constitution.
- Latest
- Trending