Ebidensiya sa manual recount tinanggap ng Comelec
MANILA, Philippines - Tinanggap ng Commission on Elections (Comelec) ang mga nalantad na kuwestiyunableng resulta sa isinasagawa ngayon manual recount hinggil sa compliance order na ibinaba ng Comelec 1st Division nitong nakalipas na buwan hinggil sa hiling na manual recount sa Marikina mayoralty election result.
Nabatid na wala umanong nagawa ang Comelec representatives at ang mga watchers na itinalaga ng protestee na i-attest ang mga umano’y anomalyang lumalabas sa sinasagawang manual recounts ngayon.
Ayon kay dating Marikina Councilor Efren Angeles unang araw pa lang ng recount ay may nadiskubre ng anomalya tulad ng discrepancy o ang pagkaka-iba ng mga boto sa statement of votes at sa manual count sa ilang clustered precincts ng ilang Barangay Gaya sa Malanday.
Kinukuwestyon din ngayon ang umanoy nadiskubreng mga pagkakaiba sa pirma ng board of elections inspector (BEI) sa mahigit 249 na balota at ang pagkakaroon ng dalawang minutong election returns sa ilang clustered precinct gayundin ang pagkawala ng umano’y election returns sa loob ng ilang ballot boxes mula sa ilang barangay tulad ng Calumpang, Fortune at Tumana. Nakatutok ngayon ang mga taga Marikina sa Comelec sa pangambang maaari umanong marami pang lalabas na anomalya sakaling buksan pa ang natitira pang 171 clustered precincts.
Ang nasabing protesta ay inihain ni Dr. Alfred Cheng ilang araw matapos ang pambansa at lokal na halalan noong May 10, 2010 na ang layunin ay alamin ang integridad ng eleksyon at ilantad kung anong sistema ang ginamit sa pagmanipula ng resulta ng nasabing halalan kung totoong mayroon gaya ng mga nakikita umano ngayon ng Comelec.
- Latest
- Trending