MANILA, Philippines - Naghain ng petisyon sa Quezon City Regional Trial Court para maglabas ng “temporary restraining order (TRO)” ang isang dating opisyal ng National Printing Office (NPO) para pigilin ang pagkakasama ng isang pribadong printing company na kinikilala umanong ikatlong “Government Recognized Printer (GRP)” sa bansa.
Sa argumento ni Richard Oderon, dating pangulo ng National Printing Office Workers Association (NAPOWA), kailangang aksyunan agad ng hukuman ang sumbong laban sa Asian Productivity Organization (APO) dahil maaaring mapunta umano sa korapsyon ang pera sa nakukuhang kontrata nito.
Dapat umanong maliwanagan na tanging ang National Printing Office at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) lamang ang pinapayagang maglimbag nang lahat ng “accountable forms” ng pamahalaan base sa Executive Order no. 285 na inisyu ni dating Pangulong Cory Aquino.
Naisingit umano ang APO bilang GRP base sa Section 29 ng General Appropriations Act Fiscal Year 2010 na isang paglabag sa batas dahil lahat ng kontrata na pasok sa GAA ay para lamang sa mga korporasyon na pag-aari ng pamahalaan.
Ang pagsingit na ito sa GAA para sa APO ay isang halimbawa kung paano naabuso ng nakalipas na Arroyo administrasyon ang isang ahensiya na dapat imbestigahan para sa ‘betrayal of public trust’.
Base sa rekord na nakalap ni Oderon, wala umanong buwis na naipapasok ang APO sa pamahalaan dahil sa “tax free” ang pag-angkat nito ng mga materyales at pagtanggap ng mga printing jobs sa pamahalaan ng hindi dumaraan sa “public bidding” kundi ‘negotiable bids’ lamang kaya hindi umano malayong may papaboran itong paboritong private security printers.