MANILA, Philippines - Dalawang unit ng solar at battery-powered na E-tricycle ang ipinasa kahapon sa House of Representatives para sa ebalwasyon at paggamit nito.
Tinanggap ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr. ang mga E-trike na produkto ng Technostrat Corp., isang subsidiary ng W inace Holdings Philippines, Inc.
Ang turn-over ay inisyatiba ng Ang Kasangga Partylist sa pangunguna ni Rep. Teodorico T. Haresco sa pakikipagtulungan ng Technostrat Corporation
Sina Haresco at Technostrat Chief Scientist at President Brian Stanley-Jackson ang imbentor ng E-trike.
Sinabi pa ni Haresco na ang halaga ng isang E-trike ay halos katulad din ng sa standard na tricycle.
Ang makina ng E-trike ay pinapaandar ng baterya na kumukuha ng lakas sa araw, walang polusyon o ingay. Kaya hindi ito umaasa sa langis at makakatipid ng malaki ang operator nito.
Umaasa sina Haresco at ang Technostrat na balang araw ay mapapalitan na ng tahimik at environment-friendly e-trike ang mayorya ng 1.5 milyong rehistradong tricycle sa bansa.