3,840 kaso sa Ombudsman nadesisyunan ni Casimiro
MANILA, Philippines - Hindi pa man nag-iinit sa kanyang puwesto, umabot na sa 3,840 kasong nakabinbin sa anti-graft body ang nadesisyunan ni Ombudsman Orlando Casimiro sa loob lang ng isang buwan matapos na maging acting Tanodbayan ang dating overall deputy Ombudsman.
Sa nakalap na datos mula sa Ombudsman, 3,854 kaso ng katiwalian ang ipinasa ni dating Ombudsman Merceditas Gutierrez kay Casimiro nang magbitiw sa puwesto ang una noong Mayo 6.
Umabot na sa 3,840 anti-graft cases o 99.6% disposal rating ang nabigyan na ng resolusyon ni Casimiro bilang acting Ombudsman, habang nalalapit na rin madesisyunan ang natitira pang 14 na kaso. Kabilang na rito ang mga kasong katiwalian na naisampa sa Sandiganbayan laban sa mga opisyal ng pamahalaan, halal man o nahirang, at sa mga dating opisyal ng AFP at PNP.
Bukod sa pagsasampa ng kasong katiwalian, nirendahan din ni Casimiro ang kapwa nito opisyal sa anti-graft body nang ipatupad ang desisyon ng Office of the President laban kay Atorni Emilio Gonzales III kung saan pinagbawalan ang huli na gampanan ang tungkulin bilang Deputy Ombudsman for Military and other Law Enforcement Offices.
Nadesisyunan din ni Casimiro ang 1,009 rekomendasyon ng mga sangay ng Ombudsman sa Luzon, Visayas at Mindanao, gayundin ang panukala ng field office prosecutors na sampahan ng kasong katiwalian ang mga nasasangkot na opisyal ng pamahalaan.
- Latest
- Trending