'Garci boys' sa ARMM pinasisibak kay Brillantes
MANILA, Philippines - Matapos ipasa sa Senado ang pagpapaliban sa eleksyon sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) upang sumabay sa 2013 midterm election, nakapuwesto pa rin sa impluwensyal na posisyon sa Commission on Elections ang halos lahat ng opisyal na alipores ni dating COMELEC commissioner Garcillano na dawit sa “Hello Garci” scandal noong 2004.
Anang impormante ng Pilipino Star NGAYON sa personnel division ng Comelec na ayaw magpabanggit ng pangalan, lahat ng mga nakatalang pangalan na nabanggit sa expose sa mga nagdaang pagdinig sa Senado at Kongreso ay mataas pa rin ang puwesto sa Comelec. Kabilang rito sina Atty. Renato Magbutay, Atty. Carlito Ravelo, Atty. Remlane Tagbuang, Atty. Teopisto Elnas, Atty. Cirilo Nala Jr., Atty. Francisco Pobe, at si Atty. Vilfred Balisado, at Atty. Renault Macarambon.
Sa halalan noong 2004, inakusahan si dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo ng malawakang pandaraya laban sa yumaong Fernado Poe Jr.. Ang mga nabanggit na pangalan ay nakakalat sa ibat ibang parte ng Mindanao bilang mga assistant election director o di kaya ay director.
Ayon sa isang grupong kontra sa postponement ng halalan, kung talagang di mapipigilan ang pagpapaliban sa eleksyon sa ARMM, dapat nang linisin ang Comelec sa mga political operators na nagpapagamit sa mga politikong ibig mandaya sa eleksyon.
Binatikos nila si Comelec Chairman Sixto Brillantes na sumira sa pangako noon pang Enero na sisibakin niya ang mga tirador at political operators sa Comelec.
Dinirinig ng Commission on Appointments (CA) ang nombramyento ni Brillantes na naghihintay ng kumpirmasyon. Inaakusahan ng grupo si Brillantes na “election operator” at bihasa diumano sa “gapangan” sa Comelec upang maipanalo ang mga kandidato lalo na ang mga natatalo.
Nangunguna sa listahan ng mga dawit sa “Hello Garci” scandal ang tagapamahala ng nalalapit na ARMM elections ngayong Agosto na walang iba kundi si Atty. Ray Sumalipao. Si Sumalipao ay naging assistant election director ng Region XI ng pumutok ang Hello Garci scandal. (May ulat si Malou Escudero)
- Latest
- Trending