Manila, Philippines - Mas pinalakas pa ng Department of Justice (DOJ) ang kanilang panel of prosecutors na may hawak sa Maguindanao massacre case bilang tugon sa panawagang madaliin ang proseso ng kaso gayundin ang pagharap ng testigo at ebidensiya.
Batay sa direktiba ni Justice Secretary Leila de Lima, gagawing 12-man panel ang dating 10-man panel.
Idadagdag sa grupo sina Asst. State Prosecutor Olivia Torrevillas at prosecuting lawyer Aristotle Reyes.
Inaasahan ng DoJ na mas magiging epektibo ang isang dosenang abogado para humarap sa panig ng mga Ampatuan na pangunahing itinuturong nasa likod ng pagpatay sa 58 indibidwal, kasama na ang mahigit 30 mamamahayag.
Magugunitang nagkaroon ng sigalot ang mga piskal ng DoJ at abogado ng mga Mangudadatu kaya pinalitan ni de Lima ang mga miyembro ng nasabing lupon.
Handa naman ang panel para sa marathon hearing upang matapos na ang kontrobersyal na kaso.