Manila, Philippines - Kasado na ang lahat para sa pagbabalik eskuwela ng mahigit 25 milyong mag-aaral sa bansa kaugnay ng pagbubukas ng klase bukas.
Sinigurado kahapon ng Malacañang na magiging maayos ang opening ng klase bukas lalo pa’t ginawa naman ng mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno ang lahat ng paghahanda.
Ayon kay deputy presidential spokesperson Abigal Valte, naglagay na ng mga action center ang Department of Education sa mga eskuwelahan upang makaaksiyon kaagad sakaling magkaroon ng problema.
Nakahanda na rin umano ang Philippine National Police na nagpakalat na ng mga tauhan sa mga lugar na malapit sa mga eskuwelahan.
“You can safely go back to school na ‘di iniisip ang peace and order situation,” pahayag ni Valte.
Umapela rin sa Valte sa mga school bus owners na siguraduhing maayos ang kanilang mga sasakyan para sa kaligtasan ng mga mag-aaral.
Dapat din umanong tiyakin ng mga drivers at konduktor na maging maingat sa pagmamaneho lalo na sa mga highway.
Inaasahan ng DepEd na aabot sa may 23 milyong estudyante ang papasok sa pampublikong Kindergarten, elementary at high school, habang tatlong milyon naman sa mga pribadong paaralan.
Sa kabila nito, aminado naman si DepEd Secretary Armin Luistro na may ilang problema ang kanilang kinakaharap sa pagbubukas ng klase tulad ng kakulangan ng silid-aralan, mga upuan, mga palikuran at mga guro.
Tiniyak naman nito na pinagsisikapan nilang gawan ng paraan ang mga naturang problema.
Sa ngayon aniya ay malaking pondo na ang inilaan nila para makapagpatayo ng mga bagong silid-aralan at mga palikuran at makabili ng mga upuan.
Gayunman, kulang pa rin ito kaya’t umaasa pa rin aniya sila sa tulong ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno gaya ng PNP, MMDA, DILG, DPWH, DSWD, DoH, Pagasa, LGUs at maging power at water utilities, na magampanan ang papel para sa Bayanihan system at matiwasay na pagbubukas ng klase.
Samantala, nakaalerto rin ang PNP sa mga posibleng pagsasamanta ng mga sindikato ng droga na kadalasang humihikayat sa mga estudyante na maging kasangkapan sa kanilang operasyon bilang mga drug courier.
Bantay sarado rin ang mga bisinidad ng mga paaralan lalo’t kadalasang nabibiktima ang mga estudyante ng mga elementong kriminal.