Manila, Philippines - Lumagda kahapon sa isang kasunduan ang Pilipinas at Estados Unidos na naglalayong marekober ang mga sundalong Amerikano na nagbuwis ng buhay o napaslang noong World War 2 sa bansa.
Pinangunahan nina Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario at US Ambassador to Manila Harry K. Thomas Jr. ang paglalagda ng “Statement of Intent” (SOI).
Sa ilalim ng SOI, ang US Joint POW/MIA Accounting Command kasama ang Department of National Defense ay magsasagawa ng joint missions upang makuha ang mga bangkay o labi ng mga American soldiers na napaslang sa Pilipinas noong kasagsagan ng WW2.
Kabilang sa misyon ang pananaliksik, imbestigasyon, pagtunton at pagkilala sa mga American military personnel.
Bibigyan din ng pagkilala ang lahat ng mga sundalong Amerikano at Pinoy na nagsakripisyo at nagbuwis ng buhay para ipagtanggol ang bayan at upang idepensa ang kalayaan ng bansa noong Ikalawang Digmaan.