Manila, Philippines - Delikado pa rin kahit lutuin mabuti ang mga isdang namatay sa fishkill, paglilinaw ng Department of Health (DOH) sa publiko kaugnay ng ideya na ligtas nang kainin ang mga ito kapag nalutong mabuti.
Ayon kay DOH National Epidemiology Center Chief Dr. Eric Tayag, may mikrobyong tumutubo sa isdang namatay sa fishkill kaya hindi na talaga ito ligtas pang kainin kahit anong luto pa ang gawin dito dahil maaari pa rin itong magdulot ng pagkakasakit.
Samantala, may tatlo namang iniulat na nalason matapos kumain ng bangus na hinihinalang namatay sa fishkill.
Naospital ang traffic enforcer ng Quezon City na si Rafael Asis, 35, matapos mananghalian kahapon ng pritong bangus. Kwento ni Asis, sumakit ang kanyang ulo at tiyan at nagsuka, isang oras matapos siyang kumain ng bangus sa isang karinderya.
Sa pagsusuri ng mga doktor sa Valenzuela District Hospital, lumitaw na food poisoning ang nangyari kay Asis. Bukod kay Asis, may dalawa ring nalason ng kinaing bangus sa Pangasinan.
Nilinaw naman ni Tayag na kailangan munang suriin kung talagang namatay sa fishkill ang bangus na nakain ng nabiktima ng food poisoning dahil mayroon namang isda na kahit hindi naman botcha, maaari ring magbigay ng kaparehong sintomas.