4 pang Usec ng DOTC nag-resign!
Manila, Philippines - Apat pang Undersecretary ng Department of Transportation and Communications ang nagbitiw na rin sa kani-kanilang mga puwesto kasunod ng ginawang pagre-resign ng kanilang “boss”na si DOTC Secretary Jose “Ping” de Jesus.
Sa isang press conference kahapon, binasa muna ni DOTC Undersecretary for Road Transport Dante Velasco ang 2 pages statement na rason ng pagbibitiw ni de Jesus. Nakasaad dito na ang dalawang dahilan ng kanyang pagreresign ay dahil nakumpleto na niya ang isang taong pamamalagi sa DOTC at nais na tapusin ang nalalabing buhay sa pamilya at bumalik sa pribadong pamumuhay. Pero hindi anya ito dahil sa kalusugan dahil maayos ang kanyang kalagayan.
Inanunsyo din ang pagbibitiw sa puwesto nina Undersecretaries Glicerio Sicat ng Railways and Civil Aviation; Ruben Reinoso Jr., Planning and Project Development Management Administration and Controlership Service at Velasco.
Ayon kay Sicat, bagamat hindi nila nakasama sa presscon si Usec. Aristotle Batuhan ng Legal Affairs Finance and Management Service and PSPMS In-Charge for Maritime Transport ay sinabing magbibitiw din ito.
Anila, tatapusin na lamang nila ang kanilang trabaho hanggang sa katapusan ng Hunyo at kusa na silang aalis sa kani-kanilang mga puwesto.
Layunin nilang bigyan ng ‘free hand’ o laya na makapamili na makakasama ang sino mang bagong itatalagang DOTC Secretary ng Pangulong Noynoy Aquino.
“Ang aking pagbibitiw ay irrevocable at babalik na lamang ako sa pribadong sector, si Reinoso ay babalik sa NEDA habang si Velasco ay babalik sa office of the Executive Secretary,” ani Sicat.
Sinabi pa ni Sicat, hindi na gaanong mahihirapan ang sino mang papalit sa kanilang babakantehing puwesto dahil inilatag na nila ang iba’t-ibang programa na kapaki-pakinabang sa iba’t-ibang transport sector sa bansa.
Inamin naman ng isang mapapagkatiwalaang source na ang nagbabakasyong si LTO Chief Virgie Torres na babalik na daw sa LTO ang ugat ng pagbibitiw ni de Jesus.
Si Torres ay pinagbakasyon ng Department of Justice para bigyang daan ang imbestigasyon sa Dec. 9 takeover ng Sumbilla group sa IT Provider ng LTO, ang Stradcom Corp. Sa kasong ito, kumampi umano si Torres sa naturang grupo.
Gayunman, sinasabing ‘di maaaring magbalik si Torres sa LTO dahil wala pang naisasagawang imbestigasyon hinggil dito ang Malacañang lawyers. Ang Malacañang lawyers ang bubusisi sa kaso dahil si Torres ay isang Presidential appointee.
Sa kanyang panig, sinabi ni LTO officer-in-charge Atty. Raquel Desiderio na patuloy pa niyang tinatapos ang audit system sa LTO. Abril 19 anya siya nagsimula sa LTO kayat malamang na bumalik si Torres sa LTO ng June 20 pero depende pa rin ito kay Pangulong Noynoy Aquino.
- Latest
- Trending