MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ng Commission on Higher Education (CHED) na hindi na papayagan ang paniningil ng mga kuwestiyunableng miscellaneous fees ng mga unibersidad at kolehiyo sa bansa.
Inimbestigahan kahapon ng Senate committee on education, arts and culture ang reklamo ng mga magulang sa hindi umano makatuwirang paniningil ng kung anu-anong miscellaneous fees katulad ng band fee, resumè printing fee, at maging thesis.
Ayon kay Kabataan party-list Rep. Raymond Palatino, hindi makatarungan at kaduda-duda ang mga nasabing fees na hindi nasisilip ng CHED.
Kaugnay nito, sinabi ni CHED Executive Director Julito Vitriolo na bumalangkas na sila ng regulasyon o framework upang mamonitor ang mga kuwestiyonableng miscellaneous fee na inirereklamo ng mga magulang at estudyante.
“Under sa binaba langkas na regulasyon o framework, siguro magkakaroon ng proseso ng monitoring at saka reporting para makita natin, mapag-aralan kung legitimate ba ang fees na ito,” sabi ni Vitriolo.
Sa binabalangkas umano nilang regulasyon, sampung item na lamang ang maituturing na miscellaneous fees, kabilang na dito ang registration, medical and dental, athletic fees, library fee at iba pa.
Pag-aaralan pa rin umano kung papayagang singilin sa mga estudyante ang ‘aircon fee’ para sa mga paaralan na may air-conditioned classrooms.
Sinabi ni Vitriolo na ang ibang miscellaneous fee na wala namang kinalaman sa pag-aaral ng estudyante ay kanilang ipatatanggal.
Ayon kay Vitriolo, ang mga magulang at estudyante ay maaring tumawag sa telephone number 4411216 kung may reklamo sila sa mga hindi makatuwiran na miscellaneous fees.