MANILA, Philippines - Pinayuhan ng isang kongresista si Pangulong Noynoy Aquino na subukang mag-asawa muna upang malaman ang kahalagahan ng diborsyo.
Sinabi ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na walang asawa ang pangulo kaya hindi nito ramdam at nararanasan ang hirap at hindi pagkakaunawaan ng mga mag-aasawa kaya hindi nito prayoridad ang divorce bill.
Dahil sa kawalan ng karanasan sa pag-aasawa, pinayuhan na lamang ni Colmenares na subukan munang mag-asawa ng Pangulo upang malaman ang kahalagahan ng diborsyo at ng sa gayun ay ma- intindihan nito ang pangangailangan ng naturang panukala para sa nagkakalabuang pagsasama.
Dagdag pa ng mambabatas, wala din intensyon na kalabanin ng nasabing panukala ang simbahan dahil pangunahing layunin naman nito ay ang matulungan ang mga asawang naaabuso na kumawala sa hindi magandang relasyon.
Kaugnay nito pumalag naman si Gabriela Partylist Representative Luzviminda Ilagan sa pagkwestiyon ni Pangulong Noynoy Aquino sa kanilang motibo sa pagsusulong ng Divorce Bill.
Nauna nang inihayag ng Pangulo na hindi prayoridad ng kaniyang administrasyon ang pagsasabatas ng Divorce Bill at kinuwestiyon din nito ang motibo ng mga proponent ng naturang panukalang batas at duda kung sinsero ba ang intensyon ng mga ito o nais lamang na palalain pa ang giyera sa pagitan ng gobyerno at simbahan katoliko.
Buwelta ni Ilagan, 13th Congress pa nang naihain ang Divorce Bill at nagkataon lamang na ngayon lamang 15th Con gress nai-kalendaryo ang pagdinig.
Paliwanag ng kongresista, hindi kasalanan ng Gabriela at iba pang nagsusulong nito na itaon sa pamamahala ni Aquino ang pagtalakay sa panukala.
Iginiit muli kahapon ni Pangulong Aquino na hindi prayoridad ng kanyang administrasyon ang pagsusulong ng diborsyo sa Pilipinas.
Sinabi ni Pangulong Aquino sa mediamen na kasama sa kanyang 2-day state visit sa Brunei mas maraming mahahalagang bagay ang dapat bigyan ng prayoridad at hindi ang pagsusulong ng diborsyo.
“Hindi pa nga ako nakakapag-asawa eh, tapos may nagsusulong ng diborsyo,” pagbibiro ng Pangulo sa mga mediamen.
Aniya, hindi dapat madaliin ang prosesong ito bagkus ay dapat patatagin ang relasyon ng pamilyang Pilipino.