MANILA, Philippines - Sinimulan na ang pamimigay ng Department of Energy ng mga “fuel subsidy smart cards” sa mga lalawigan umpisa ngayong Hunyo 3 upang mabiyayaan naman ng ayuda sa krudo ang mga driver at operators ng mga pampublikong jeep at tricycle.
Maaari na rin itong makuha ng iba pang mga driver at operators na may hawak ng mga legal na prangkisa ng mga pampublikong jeep sa lahat ng lalawigan sa kanilang regional offices ng Land Transportation Office o Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Magkakaroon rin ng “satellite regional distribution” na ihahayag ng DOE.
Maglalagay naman ng distribution center ang DOE sa SM City Cebu covered terminal para maipamahagi ang Pantawid Pasada cards.
Samantala, inilipat na simula nitong nakaraang Miyerkules ang distribusyon ng “smart cards” na naglalaman ng P1,100 subsidiya sa gasolina sa mga pampublikong drivers at operators sa compound ng DOE sa Taguig City.
Ayon sa DOE, inilipat na nila ang distribusyon mula sa Camp Crame sa Quezon City sa DOE-Oil Industry Management Bu reau (OIMB) compound na nasa Merritt Road, Fort Bonifacio, ng naturang lungsod. Mula Hunyo 6, ililipat naman ito sa DOE Audio Visual Room mula alas-9 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
Maaari namang tumawag ang mga operators at drivers na may katanungan sa mga telepono bilang: (02) 984-6381; Globe: 0917-5560759; Smart: 0947-3925378; at Sun: 0932-7786494.