Same sex marriage naman!
MANILA, Philippines - Posibleng magkaroon na rin ng panukalang “same sex marriage” sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa sandaling pumasa at maisabatas ang divorce.
Sinabi ni CIBAC party list Rep. Sherwin Tugna, na hindi malayong magkaroon na rin ng same sex marriage bill sa sandaling pumasa ang divorce bill sa Kamara kaya mahigpit umano niya itong tinutulan.
Bukod dito, ang panukalang diborsyo ay magbibigay daan sa mas malaking problema kung saan makokompromiso ang moralidad ng mga Pilipino sa halip na gumawa ng solusyon.
Idinagdag pa ni Tugna na, kapag pinayagan ang mga nabanggit na panukalang batas at lumusot sa Kongreso, malaki na rin ang posibilidad na mas marami pang panukalang labag sa moralidad at paniniwala ng mga Pilipino ang maihain tulad na lamang ng pagligalisa sa aborsyon.
Ayon naman kay Eastern Samar Rep. Ben Evardone, hindi imposibleng magkaroon ng same sex marriage bill sa Kamara subalit baka mas mahirap umano itong makalusot at maisabatas.
Matatandaan na inihain ni Gabriela party list Reps. Luzviminda Ilagan at Emmie de Jesus ang House bill 1799 o “An Act Introducing Divorce in the Philippines” upang matugunan ang karahasan sa mag-aasawa kung saan ang siguradong makikinabang umano dito ay mga kababaihan.
Samantala, posibleng suportahan ni Senator Francis “Chiz” Escudero ang panukalang batas na naglalayong gawing legal ang diborsiyo sa Pilipinas kung ang dahilan sa pagsusulong nito ay maging “accessible” at “affordable” ang legal na pamamaraan nang paghihiwalay ng mag-asawa.
Pero agad na nilinaw ni Escudero na sa ngayon ay wala pa siyang pormal na posisyon sa isyu ng divorce lalo pa’t hindi pa naman nadadala sa Senado ang panukalang batas na pinagtatalunan ngayon sa House of Representatives.
“Mahirap at ayoko munang gumawa ng position pero kung gagawing mas accessible at affordable, wala akong nakikitang pagtutol dun pero iba yung magiging accessible at affordable sa padadaliin ang proseso at pagaanin yung grounds,” pahayag ni Escudero sa Kapihan sa Senado.
Ayon kay Escudero, sa ngayon ay para lamang sa mga mayayaman at may pera ang annulment kung saan palaging isinasangkalan ang psychological incapacity at hindi para sa mga mahihirap.
- Latest
- Trending