Phl 'di na aangkat ng diesel
BANDAR SERI BEGAWAN, Brunei (via PLDT/Smart) - Nagkasundo sina Brunei Sultan Haji Hassanal Bolkiah at Pangulong Aquino na magkatuwang na i-develop ang natural gas ng Pilipinas sa Compressed Natural Gas (CNG) upang ito ang maging kapalit ng ginagamit na diesel ng public transport.
Ayon kay PNoy, sakaling madevelop ang natural gas ng bansa sa CNG sa tulong ng Brunei ay hindi na natin kailangang umangkat ng diesel para sa public transport at tayo na ang magdidikta ng presyo nito sa merkado.
Nagkasundo rin sina Aquino at Bolkiah na dapat panatiliin ang peace and order sa isyu ng Spratly island kung saan ang Brunei at Pilipinas ay kabilang sa mga claimants.
Ang dalawang lider ay nangakong magtutulungan sa larangan ng agrikultura, turismo, pangangalakal, sports at shipping.
Binisita rin ng Pangulo ang Jollibee store sa Serusop complex kung saan pumila ang chief executive tulad ng isang ordinaryong kustomer para umorder ng hamburger at softdrinks. May 11 store ang Jolibee sa Brunei na pawang mga Pinoy ang staff at personnel.
Maraming Pinoy staff din sa Istana Nurul Iman (Palasyo ng Sultan) kabilang dito ang operations manager na 29 taon na ditong nagtatrabaho simula ng itayo ang Palasyo.
- Latest
- Trending