MANILA, Philippines - Paparusahan na ang mga menor de edad na mahuhuling umiinom ng anumang uri ng alak at iba pang katulad nito na nakalalasing.
Ito’y sa sandaling maipasa ang House bill 4589 na inihain ni 2nd District, Caloocan City Rep. Mary Mitzi Cajayon upang mapigilan na ang mga menor de edad sa pag-inom ng alak na siyang nagiging dahilan ng mga kirmen na kinasasangkutan ng mga kabataan.
Paliwanag ni Cajayon, base sa pag-aaral ng World Health Organizationn (WHO), dalawa sa 10 Filipino na may edad 15 hanggang 18 taong gulang ay hindi kuntento sa pag-inom ng dalawang bote ng alak.
Ayon naman kay Dr. Invnhoe Escartin, chief ng Health Program Division ng Department of Health (DOH), na karamihan sa mga Filipino ay sobra-sobrang uminom ng alak na nagiging dahilan upang makagawa sila ng domestic violence tulad ng rape at physical abuse.
Itinatadhana ng naturang panukala na mas kilala bilang “Anti-Underage Drinking Act of 2011” ang tatlong buwan na pagkakakulong at multa na hindi bababa sa P10,000 para sa mga lalabag dito samantalang ang mga menor de edad na lalabag dito ay ipapatupad ang nakasaad sa Presidential Decree 603 o mas kilala bilang Child and Youth Welfare Code.
“Underage alcohol use increases the risk of carrying out, or being a victim of, physical or sexual assault, harm the growing brain especially when teens drink a lot, plays a role in risky sexual behavior which can increase the chance of teen pregnancy and sexually transmitted diseases (STDs) including human immunodeficiency virus (HIV), and affects how well a young person judges risks and makes sound decisions, among many other problems,” ayon kay Cajayon.
Ipinagbabawal din ang pagpasok ng mga menor de edad sa beer houses, videoke bars, night clubs at anumang establisimyento na nag-aalok ng katulad na serbisyo anumang oras at araw kahit na kasama nila ang kanilang mga magulang, guardians, elders at relatives.