US investors interesadong magnegosyo sa Subic, Gapo
MANILA, Philippines - Dahil bumilib sa mabilis na pag-asenso ng Subic Freeport ang dalawang Amerikanong senador na bumisita sa bansa kamakailan, nagtungo si Olongapo Mayor James “Bong” Gordon, Jr. sa Estados Unidos sa paanyaya ng mga negosyante duon na interesadong mamuhunan sa Subic at Olongapo.
Si Gordon ay nakatakdang makipagpulong sa mga Amerikanong investor gayundin sa mga Filipino communities upang ipaalam ang mga negosyong maaring pasukin ng mga ito sa Subic at Olongapo at makibahagi sa lalo pang ikasusulong ng lokal na ekonomiya gayundin makapaglikha ng mas marami pang trabaho para sa mga residente ng malalapit na komunidad.
Kamakailan ay dumalaw sa Subic sina Senador Dan Inouye ng Hawaii at Thad Cochran ng Mississippi at nasorpresa ang mga ito sa nakita nilang pagbabago. Mula sa dating pinakamalaking base militar ng US sa ibang bansa, ang tumambad sa kanila ay isang progresibong sentro ng komersyo at turismo.
Ayon kay Gordon, positibo ang naging reaksyon ng kanyang mga nakapulong sa mga unang araw ng kanyang pagbisita sa US. Nagpahiwatig diumano ang karamihan sa mga ito ng matinding interes na mamuhunan sa Subic at Olongapo.
- Latest
- Trending