Manila, Philippines - Umapela kahapon ang isang babaeng kongresista sa kanyang kapwa mga mambabatas na madaliin ang pagpapasa ng Divorce bill upang mabigyan umano ng pagkakataon ang mga mag-asawa na magkaroon ng opsyon sa sandaling hindi na sila masaya sa kanilang mga asawa.
Ito ang panawagan ni Gabriela Womens party list Representative Luz Ilagan kasunod ng ulat na ang resulta ng nakaraang referendum sa Malta ay pabor sa legalisasyon ng diborsyo sa isa sa pinamakalaking Catholic Mediterranean island.
Dahil sa nasabing referendum kung kaya inaasahang maipapasa ang isang panukalang batas na magliligalisa sa diborsiyo. Tanging ang Pilipinas na lamang ang bansa sa mundo na walang divorce law maliban na lamang kung mabilis itong aksyunan ng kongreso, paliwanag ni Ilagan.
Nabatid na nakatakdang talakayin ng Committee on Revision of Laws ang House Bill 1799 o “An Act Introducing Divorce in the Philippines” na inihain nina Gabriela Womens party list Representatives Ilagan at Emmi de Jesus.
Nakasaad sa panukalang batas ang limang grounds para sa paghahain ng petition for divorce kabilang dito na kung ang mag-asawa ay nagkahiwalay sa loob ng limang taon at ang mga legally separated sa loob ng dalawang taon samantalang ang grounds for legal separation ay maari din i-apply ng katulad ng grounds na maaring naging dahilan ng pagbagsak ng kanilang pag sasama
Kinikilala din sa naturang batas ang ground na psychological incapacity na isa sa dahilan bunsod sa kabiguan upang makasunod sa pangunahing marital obligations at irreconcilable differences na nagbubunga ng pagkasira ng pagsasama ng mag asawa.
Iginiit ni Ilagan na kinakailangan nang maipasa ang Divorce law sa bansa dahil sa ang pagkuha ng annulment sa Pilipinas ay napakamahal habang sa legal separation ay wala namang karapatan ang naghiwalay na mag-asawa na muling magpakasal.
Idinagdag pa ng mambabatas na matutugunan din ng divorce bill ang karahasan sa pagsasama ng mag-asawa at siguradong makikinabang dito ang mga kababaihan na inaabuso ng kanilang mga asawa.
Base sa datos ng Philippine National Police (PNP), lumalabas na noong 2009, mayroong 19 kababaihan ang biktima ng marital violence kada araw kung saan nangunguna dito ang wife battery na umabot sa bilang na 6,783 o 72 porsiyento.
Samantala, pabor si House Speaker Feliciano Belmonte sa divorce bill.
Sinabi ni Belmonte na, sa kanyang personal na opinyon, pabor siya sa divorce bill dahil mayroong mga mag-asawa na hindi na kayang patuloy pang magsama kaya maraming social problem na lumalabas bunsod nito.
Sa kabila nito maari naman umanong itaguyod ng mag-asawa ang kanilang mga anak kahit na magkahiwalay ang mga ito.
Ipinaliwanag ni Belmonte kung, hindi na talaga kaya pang magsama ang mag-asawa sa kabila ng effort nila na magkasundo, dapat umano ay pabayaan na lamang sila.