MANILA, Philippines - Iniutos na ng Office of the Ombudsman ang imbestigas-yon sa tatlong opisyal ng Department of Labor and Employment (DoLE) kaugnay sa reklamo ng isang tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) na siya’y tinutukan ng baril bunsod ng insidente sa trapiko sa Sampaloc, Maynila.
Ayon kay Assistant Ombudsman Aleu A. Amante, may nakitang sapat na basehan upang ipatupad ang preliminary investigation sa mga akusadong sina Ma. Anthonette Velasco-Allones, executive director, CESB; Ma. Joji Aragon, assistant secretary; at Eric Villasotes, administrative aide IV, pawang opisyal ng DoLE, kaugnay sa kasong paglabag sa Section 3 ng RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act); at paglabag sa Section 4 ng RA 6713 (for abuse of authority) na inihain ni Noel Bocaling, senior inspector ng NBI.
Sa salaysay ni Bocaling, noong Abril 5, 2010, binabagtas niya ang A.H. Lacson St., Sampaloc, Manila lulan ng Foton Van patungo sa PASG Container Yard sa Malabon City, nang isang Nissan Sentra na walang plaka ang biglang sumagi sa kanyang sasakyan kaya siya naitulak pakanan at halos masalpok niya ang isang taong tumatawid sa kalsada. Bunsod nito, sumalpok ang sasakyan ni Bocaling sa sidewalk na nagresulta sa pagkawasak nito.
Dahil dito, pinuntahan niya ang nasabing unmarked vehicle upang makilala kung sino ang nasa loob nito, ngunit naglabas ang driver ng isang Colt .45 caliber pistol. Nagtaka si Bocaling dahil may ipinatutupad na Comelec gun ban ng panahong iyon at kung bakit walang plaka ang nasabing sasakyan.
Upang makaiwas, sumakay si Bocaling sa kanyang sasak-yan, lumayo at pumuwesto sa likod ng isang Isuzu Crosswind upang makapag-cover sa posibleng pag-atake sa kanya, hindi batid na ang lulan ng nasabing sasakyan ang pinoprotektahan ng lalaking may armas na baril.
Pagkaraa’y nilapitan niya ang Nissan Sentra, nagpakilala at itinanong sa driver kung sino siya at kung siya ba ay may Comelec exemption sa dala niyang baril.
Nagpakilala aniya ang driver na siya si Sgt. Victorino ngunit natuklasan niyang si Eric Villasotes pala.
Dagdag pa ni Bocaling, binantaan pa siya ng posibleng mangyari sa kanya kapag nakarating ang insidente kay “Nes” na tumutukoy kay noo’y NBI Director Nestor Mantaring.
Pagkaraan ng insidente, natuklasan niyang si Villasotes ay administrative aid IV ngunit nagsilbing driver at bodyguard ng mga opisyal ng gobyerno at nagdadala ng armas.
Habang natuklasan din sa beripikasyon na sina Allones, Aragon, at ang driver nilang si Pablo Villasis, at maging si Villasotes ay hindi nag-apply ng gun ban exemption para sa election period.
Nagsampa na rin si Boca-ling ng paglabag sa Comelec gun ban laban kay Villasotes sa piskalya ng Maynila.