Diokno 'di puwedeng 'galawin'-- DOJ

MANILA, Philippines - Hindi maaaring “galawin” si Bureau of Corrections (BuCor) director Ernesto Diokno.

Ito ang ginawang pag-amin ni Justice Undersecretary Francisco Baraan, pinuno ng binuong fact-finding panel ng Department of Justice (DoJ) na nag-imbestiga sa nabunyag na eskandalo sa New Bilibid Prison (NBP)

Ayon kay Baraan, sinabi nito na bagama’t may rekomendasyon na silang nabuo laban sa mga jail officials na may pananagutan sa insidente, nasa Pangulong Aquino pa rin umano ang desisyon sa kaso ni Diokno.

“Doon lang po sa part ni Director Diokno, because he is a presidential appointee. Siya naman ay humahawak ng confidential position, he serves at the pleasure of the President,” ani Baraan.

Bagama’t personal na naghain ng leave of absence si Diokno, nagmatigas naman ito na kusang magbitiw sa tungkulin.

Una na ring isinailalim sa 3-month preventive suspension ang mga guwardiya at ilang opisyal ng BuCor matapos mabunyag ang hindi otorisadong paglabas-masok sa kulungan ni dating Batangas Gov. Antonio Leviste.

Binanggit pa ni Baraan na saklaw lamang ng kanilang “level” ay ang kaso ng mga lower officials ng BuCor.

Samantala, nakatakdang desisyunan ni Pa­­ngulong Aquino ang magiging kapalaran ni Diokno at iba pang NBP officials. Ngayon pa lamang isusumite ng DOJ ang rekomendasyon nito sa Malacañang. (Doris Franche / Rudy Andal)

Show comments