MANILA, Philippines - Kinontra ng mga miyembro ng House Committee on public order and safety ang planong pagbili ng Power Take Off Imported fire trucks ng Bureau of Fire Protection sa ginawang pagdinig kamakailan.
Ayon kina Agham partylist Rep. Angelo Palmones, na siyang naghain ng House resolution 202 na nag-iimbestiga sa Annual Procurement ng ahensya at Antipolo 2nd district Rep. Romeo-Acop, disadvantageous ang naturang plano ng Technical Working Group ng BFP, dahil bukod umano sa hindi makatutulong sa ekonomiya ng bansa, obsolete technology na din umano ang power take-off engines.
Mariin ding kinuwestyon ni Camiguin Rep. Pedro Romualdo ang integridad ng nasabing Procurement plan ng BFP dahil may aboveboard resolution ang 14th Congress kaugnay ng pricing at specifications sa pagbili ng fire trucks.
Sa nasabing resolusyon, pinagtibay ng BFP ang nauna nilang specifications kung saan angkop at nararapat ang dual-engine fire trucks. Kinatigan din ng nasabing findings na pinangunahan ng House committee on good government, ang pagbili ng BFP ng mga fire trucks mula sa isang local manufacturer dahil bukod sa lifetime warranty na ginagarantiya nito, malaking tulong din ito sa paglikha ng trabaho sa maraming Pilipino.
Puna ni Romualdo, kinokontra mismo ng BFP, sa pangunguna ni BFP Directorate for Logistics Col. Leonides Perez, ang sarili nilang rekomendasyon na tahasang sumasalungat sa modernization program ng ahensya.
May kabuuang 1,887 fire trucks sa imbentaryo ng BFP ngunit 1,467 lamang sa mga ito ang operational at 88 naman ang gumagana mula sa 177 fire truck units na nakatalaga sa National Capital Region.
“Fully operational,” ito naman ang pahayag ni Col. Perez kaugnay sa pag-iimbestiga ni AKO BICOL Rep. Alfredo Garbin Jr. kung kasama sa datos na sira o hindi gumagana ang mga gawang Pinoy fire trucks.
Binanggit din ni Garbin ang nasasaad sa Konstitusyon na dapat nating protektahan, suportahan at tangkilikin ang gawang Pilipino, kaya labis niyang ipinagtataka ang naturang plano ng BFP na pag-angkat ng imported fire trucks.
Kinuwestiyon naman ni Cebu Cong. Pablo Garcia, chairman ng komite, ang ginawang pagbiyahe umano ng ilang opisyal nito sa Thailand sa imbitasyon na rin ng isang fire truck manufacturer duon. Ayon naman kay Palmones, kahina-hinala ang naturang pagbiyahe dahil wala namang notice of award na naipagkaloob sa naturang supplier.