175,000 obrero masisibak
MANILA, Philippines - Pinangangambahang aabot sa 175,000 manggagawa sa plastic industry ang mawawalan ng trabaho sa sandaling pagtibayin ng Kongreso ang isinusulong na panukalang Total Plastic Bag Ban Act of 2011 laban sa paggamit ng mga plastic bags bilang lalagyan ng mga pagkaing binibili.
Sa pulong Balitaan sa Tinapayan, sinabi ni Christian Lao, pangulo ng Philippine Plastic Industry Association, na malaki ang magiging epekto sa employment sa bansa sa sandaling ipatupad ang total ban sa paggamit ng plastic bags.
Sa katunayan, dahil sa unti-unti ng pagbabawas sa paggamit ng plastic ay nagbawas na sila ng oras sa trabaho ng dalawang araw kung saan limang araw na lamang ang pasok ng mga manggagawa.
Umapela din sa gobyerno si Lao na bigyan pa ng limang taon ang plastic industry para ipatupad ang total ban para maisaayos naman nila ang kanilang operasyon.
Kabilang umano sa ginagawa nilang hakbang ay ang pakikipag-koordinasyon sa mga junk shop para sa pagbili ng mga plastic bags na maiipon para muling mai-recycle bukod pa sa pagbibigay ng diskuwento sa mga produkto sa mga may dala ng plastic tuwing namimili.
Maaari din namang itapon ng maayos ang plastic kung hindi na gagamitin at hindi dapat na itapon sa estero na nagiging sanhi ng pagbara ng mga estero lalo na sa panahon ng tag-ulan.
Ayon pa kay Lao, hindi dapat umano isisi sa plastic ang nararanasang baha sa Kalakhang Maynila kundi sa kapabayaan ng lokal na pamahalaan na nagpapatupad ng batas sa paghihiwalay ng mga basura at pagkakalat.
Ang nasabing batas ay matagal nang umiiral subalit hindi ito binibigyan ng kaukulang pansin ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan.
Isinisi rin ng samahan ng mga negosyante sa plastic industry ang kawalan ng disiplina at iresponsableng mga mamamayan dahil ang walang patumanggang pagtatapon at pagkakalat nito ang tunay na dahilan ng mga pagbaha at iba pang uri ng polusyon.
- Latest
- Trending