Chedeng humina na
Manila, Philippines - Humina na ang bagyong Chedeng habang patuloy ang pagkilos pahilagang kanluran kahapon ng umaga.
Ayon kay Manny Mendoza, weather forecaster ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), patuloy ang paghina ni Chedeng at unti-unti itong malulusaw bago dumating sa southern Japan.
“Sa palagay ko di na iyan papasok ng Japan, malulusaw yan sa may Pacific Ocean,” pahayag ni Mendoza.
Kahapon ng umaga, si Chedeng ay namataan sa layong 200 kilometro hilagang silangan ng Basco, Batanes taglay ang lakas ng hanging 165 kilometro bawat oras at may pagbugso hanggang 200 kilometo bawat oras.
Ang Batanes Group of Islands anya ay makakaranas ng sama ng panahon habang ang Babuyan Group of Islands at Calayan Islands ay may pag-uulan na may kasamang malakas na paghangin.
Ang nalalabing bahagi ng Luzon kasama ang Metro Manila at Visayas ay makakaranas ng mga pag-uulan dahil sa habagat samantalang ang Mindanao ay magkakaroon ng maulap na kalangitan na may kalat kalat na pag-uulan.
Ngayong Linggo, si Chedeng ay inaasahang nasa layong 680 kilometro ng hilagang silangan ng Basco, Batanes o nasa 110 kilometro timog ng Okinawa, Japan.
- Latest
- Trending