Manila, Philippines - Nagkapit-bisig ang QC government, Department of Health at Department of Environment and Natural Resources sa paglulunsad kahapon ng isang comprehensive collective approach para sama-samang puksain ang sakit na dengue sa lunsod.
Sa isang press conference, sinabi ni QC Mayor Herbert Bautista na sa ngayon ay pinatindi na nila ang kampanya laban sa dengue dahil lahat ng tanggapan ng QC hall ay magkakasamang gumagawa ng mga programa at hakbang para maiwasan ang sakit na dengue sa lunsod kasama ang DENR at DOH.
“Ngayon, di na puwede na ang QC hall ay may sariling kampanya sa dengue at may sarili ding kampanya sa dengue ang DOH at DENR, this time magkakasabay at sama sama na kaming kikilos para labanan ang dengue sa QC,” pahayag ni Bautista.
Sa kanyang panig, sinabi ni DOH epidemiologist Dr.Eric Tayag na hindi lamang ang sakit sa dengue ang pagsasamahan nila sa kampanyang ito kundi ang ibang sakit tuwing panahon ng tag-ulan tulad ng leptospirosis at iba pa.
Pinasalamatan din ni Tayag ang QC govt dahil hindi ito umasa sa pondo ng DOH para sa mga programang pangkalusugan dahil may sarili silang pondo rito dahilan naman para mailaan sa ibang LGUs ang natipid na pondo na laan sana sa QC.