Manila, Philippines - Wala pang opisyal na kandidato ang administrasyon para sa ARMM elections dahil ang isinusulong pa rin ni Pangulong Noynoy Aquino ay ang pagpapaliban ng eleksyon sa rehiyon.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, umaasa pa rin ang Palasyo na makukumbinsi nila ang Senado ukol sa pagpapaliban ng ARMM polls sa Agosto at isabay na lamang ito sa halalan sa 2013.
Sinabi ni Usec.Valte, ito ang dahilan kaya walang ginawang paghahanda ang administrasyon upang maglagay ng kandidato sa ARMM dahil naniniwala silang makukumbinsi pa rin nina DILG Sec. Jesse Robredo at Presidential Peace Adviser Ging Deles ang mga senador para sa postponement ng ARMM polls.
Kahapon ay iniharap ng PDP-Laban ang kanilang official candidates na si dating Sultan Kudarat Gov. Pax Mangudadatu bilang governor at si dating Tarlac Gov. Margarita “Tingting” Cojuangco, tiyahin ni PNoy, bilang bise-gobernador.
May 6 na nagsumite din ng kanilang certificate of candidacy para sa ARMM governor post kabilang si Lanao del Sur Rep. Pangalian Balindong na siyang provincial chairman ng Liberal Party sa Lanao del Sur.