Manila, Philippines - Hindi dapat kastiguhin ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services (PAGASA) sa umano’y naging kapalpakan nito sa pagtaya ng direksyon ng bagyong Chedeng na nabigong lumapag sa Pilipinas.
Diin ni Iloilo Rep. Jerry Trenas, mas dapat pa ngang magpasalamat ang lahat at hindi natuloy ang pinangangambahang matinding pananalasa ng malakas na bagyo.
Naniniwala ang kongresista na nararapat lamang na manatiling alerto at handa ang publiko sa lahat ng pagkakataon at sa posibleng mabigat at malawak na pinsala ng kalamidad.
Umani ng mga batikos ang PAGASA matapos na hindi mangyari ang tinataya nitong pag-landfall ng bagyong Chedeng sa kabila na rin ng salungat na impormasyon mula sa mga weather forecasting agencies ng US at Japan na unang nagsabing mag-iiba ng direksyon ang bagyo bago tumama sa eastern seaboard ng Luzon.
Ayon kay Trenas, bukod sa weather equipment, pinagbabatayan din ng PAGASA ang kalkulasyon kaya’t hindi rin dapat na sisihin ang ahensya kung mas pinili nitong palutangin ang worst case scenario upang tiyaking hindi mapapahamak ang publiko.
Tinukoy pa ng kongresista na bagamat lumayo na si Chedeng, patuloy pa rin namang nakararanas ng malalakas na pag-ulan at malakas na hangin ang ilang bahagi ng bansa at delikado pa rin itong makapangwasak ng kabuhayan o kumuha ng buhay.