MANILA, Philippines - Sa kabila na lumihis ang bagyong Chedeng, ipinag-utos ni Pangulong Noynoy Aquino sa ibat ibang ahensiya ng pamahalaan na magkapit bisig upang mapangalagaan ang taumbayan at walang maaapektuhan sa patuloy na pamamalagi sa bansa ng bagyo.
Partikular na inatasan dito ng Pangulo ang Office of Civil Defense, DILG, DOTC, DSWD, Health gayundin sa MMDA at PAGASA para magtulungan na maipatupad ang “no casualties campaign” ng pamahalaan kaugnay ng bagyo. Hinimok din ng Pangulo ang publiko na ugaliing mapagmasid sa paligid at patuloy na makipag-ugnayan sa mga ahensiya ng pamahalaan upang maiwasan na maapektuhan ng kalamidad.
Mas maganda anya na may pagtutulungan ang bawat isa upang makaiwas ang taumbayan sa anumang sakuna na tatama sa bansa. Bagamat sinasabi ng PAGASA na lumihis ang bagyo at hindi tatama sa lupa, hindi dapat maging kampante ang taumbayan dahil posible pa ring makaapekto ang habagat na siyang magdadala ng mga pag-ulan sa bansa.