MANILA, Philippines - Pinamamadali ng isang mambabatas ang agarang pagpasa ng panukalang batas na nagbabawal sa mga bata na sumakay sa motorsiklo.
Ayon kay Antipolo City Rep. Romeo Acop, layunin ng House Bill 3554 na maisulong ang public safety at maprotektahan ang mga bata mula sa panganib sa kalsada.
Paliwanag pa ng Kongresista, ang isang driver o rider ng motorsiklo ay nangangailangan ng balanse sa body weight at bigat ng motor lalo na kapag mabilis ang pagpapatakbo.
“Children’s physical frailty and their lack of agility as compared to that of an adult while co-riding in a motorcycle place them at great risk,” giit ng mambabatas.
Dapat aniyang huwag payagan ng mga magulang, guardians o nakakatanda ang mga batang 9-anyos pababa na sumakay ng motorsiklo dahil sa panganib na maaaring idulot sa mga ito.
Batay sa report na isinagawa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), sinabi ni Acop na ang aksidente sa motor ang pinakamataas na naitala kumpara sa ibang sasakyan. Pangunahing sanhi ng motorcycle accidents ay overloading.
Sa ilalim din ng panukala, bawal na sa sinuman na magsakay o magsama ng batang 9 na taon pababa bilang co-rider. Ang DOTC at LTO ang magbubuo ng kaukulang rules and regulations para sa epektibong implementasyon ng panukalang batas.