MANILA, Philippines - Inihirit kahapon ng isa sa mga abogado ng prosekusyon sa kaso ng Maguindanao masaker sa Department of Justice (DOJ) na inspeksyunin rin ang selda kung saan nakaditine ang mag-aamang Ampatuan dahil sa hinalang maaaring labas-pasok rin ang mga ito sa kulungan.
Sinabi ni Atty. Harry Roque na hindi lang maimpluwensya ngunit ubod rin ng yaman ang pamilya Ampatuan kaya maaaring nabibigyan rin umano ang mga ito ng espesyal na pribiliheyo.
May nakarating umano sa kanya na ulat na minsan nang nakita si Andal Ampatuan Sr. na nanananghalian sa isang malaking hotel sa Pasay City. Bagama’t hindi kumpirmado ang ulat, wala umanong masama na patutukan ito ng DOJ. Bukod dito, may mga ulat rin ng magarbong handaan ang mga Ampatuan sa loob mismo ng Metro Manila District Jail.
Ang reaksyon ni Roque ay matapos na muling masuspinde ang “arraignment” o pagbasa ng sakdal laban kay Andal Sr., anak nitong si dating Autonomous Region for Muslim Mindanao Governor Zaldy Ampatuan at ilan pang mga kaanak.
Ito’y matapos na paboran ni Judge Jocelyn Reyes-Solis ng Quezon City Regional Trial Court branch 211, ang mosyon na inihain ng panig ng depensa para sa pagpapaliban ng pagdinig. Inaasahan naman na ilalabas ng korte ang bagong petsa ng arraignment ngayong darating na Biyernes.
Hindi naman maiwasan na magpahayag ng pagkadismaya ng buong angkan ng Mangudadatu na dumating sa pagdinig sa panibagong “delaying tactics” umano. Nais umano nila na makitang mabasahan ng sakdal at nakaposas ang mga Ampatuan ngunit hindi na naman nangyari.