MANILA, Philippines - Tiniyak ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri na handang-handa na ang kanyang pinamamahalaang lungsod sa pagbubukas ng 2011-2012 school year na magsisimula sa June 6.
Ayon kay Echiverri, nitong bakasyon ay pinaayos na ng lokal na pamahalaan ang lahat ng sirang upuan at classroom nang sa gayon ay maging maayos ang pagsisimula ng klase sa mga pampublikong paaralan.
Inatasan na rin ng alkalde ang Environment Sanitation Services (ESS) na linisin ang lahat ng paaralan sa lungsod maging ang pagtanggal ng bara sa mga daluyan ng tubig nang sa gayon ay maiwasan ang pagbaha sa pagsapit ng tag-ulan.
Magdaragdag din ang lokal na pamahalaan ng seguridad sa lahat ng government at private schools sa buong lungsod upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral laban sa mga masasamang elemento na nambibiktima sa mga estudiyante.
Sinabi pa ni Echiverri, bukod sa mga gagamitin ng mga estudiyante sa kanilang pag-aaral ay handang-handa na rin ang mga guro sa kanilang pagbibigay ng dagdag na kaalaman sa mga magiging estudiyante.
Samantala, mahigpit pa ring ipatutupad ng lokal na pamahalaan ang direktiba ng Department of Education (DepEd) na nagbabawal sa mga estudiyante na bumili ng kanilang makakain sa labas ng pinapasukang eskuwelahan.