'Pay to stay' sa mayayamang bilanggo hirit

MANILA, Philippines - Inihain kahapon  ni Senator Miriam Defensor-Santiago ang panukalang batas na naglalayong magkaroon ng “pay-to-stay” program ang mga national penitentiaries kung saan sisingilin ng hotel rates ang mga bilanggong hindi naman bayolente ang kinakaharap na krimen at  nais mahiwalay sa mga ordinaryong preso.

Ayon kay Santiago, dapat ng magkaroon ng pagbabago sa kasaluku­yang batas upang maihiwalay ang maximum security mula sa mga minimum security prisoners. Ang mga minimum security prisoners umano ay papayagang mag-apply sa  ‘pay-to-stay’ program kung nais nilang magbayad ng hotel rates.

Sinabi ni Santiago na ang “pay-to-stay” program ay umiiral na sa penal states ng Amerika kung saan ang mga mayayamang bilanggo ay inihihiwalay sa ibang inmates pero kailangan nilang magbayad ng hotel rates.

Sa American program umano ang nagbabayad na bilanggo ay may pribadong selda, may work release programs, Ipods, mobile phones, at computers.

Ayon pa kay Santia­go, ang “pay-to-stay” programs ay ipinapapatupad sa maraming siyudad sa California at ikinokonsidera na rin sa New York at Massachusetts.

Kapag ang isang Ame­rikano umano ay naaresto sa isang non-violent crime, maaari nitong hilingin ang permiso ng judge na kumpletuhin niya ang kaniyang jail sentence sa isang  “pay-to-stay” program. 

Pero nilinaw ni Santiago na ang kaniyang panukala ay limitado lamang para sa mga non-violent crimes katulad ng crimes against public interest kung saan kabilang ang fraud, for­gery, at falsification; crimes against public morals, kabilang ang pagsusugal, at nonviolent crimes against property, katulad ng theft and bouncing checks.

Nilinaw rin ni Santiago na hindi pasok sa kaniyang panukala si dating Batangas governor Antonio Leviste dahil naparusahan ito sa bayolenteng krimen na homicide.

Show comments