MANILA, Philippines - Hinimok kahapon ni Rep. Rogelio Mercado si Pangulong Benigno Aquino III para ayusin at bayaran na ng Land Transportation Office (LTO) ang IT provider nito para maresolba ang kaguluhan sa pagitan ng LTO at Stradcom Corporation upang maiwasan ang kaguluhan sa kasalukuyang sistema ng nasabing ahensiya ng gobyerno.
Sinabi ni House Committee on Transportation and Communications chairman Rep. Mercado, kailangang obligahin ng pamahalaan ang DOTC at LTO na bayaran ang utang nila sa Stradcom.
Sa kanyang inilabas na committee report, magkakaroon ng mas matinding problema oras na tumigil ang Stradcom sa operasyon nito sa LTO dahil hanggang ngayon ay hindi pa binabayaran ang P1 billion na utang ng una.
Malaki ang posibilidad na magkaroon ng tunay na kaguluhan sa kasalukuyang sistema ng LTO sa sandaling tumigil ang operasyon ng Stradcom dahil sa patuloy na pagkabigo ng ahensya na bayaran ang pagkakautang.
Hindi naniniwala si Mercado na kaya ng LTO ang mag-manual operasyon dahil duda ito na walang mga kagamitang naka handa ang nasabing ahensiya oras na huminto ang Stradcom sa kanilang operasyon.