MANILA, Philippines - Prayoridad ng tanggapan ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte ang pagsasagawa ng random drug test sa mga bus driver dahil sa kadalasang ang mga aksidente sa lungsod partikular sa “killer highway” na Commonwealth Avenue, ay posibleng dulot ng pagkagumon ng mga driver sa bawal na gamot .
“Marami sa mga bus drivers natin, nagmamaneho under the influence of drugs kaya dapat matutukan talaga ang pagsasagawa ng random drug tests para sa mga driver,” dagdag ni Belmonte.
Una nang lumagda sa isang memorandum of agreement si Vice Mayor Belmonte sa pagitan ng mga katuwang nitong tanggapan at institusyon na magpapatupad ng Road Safety Signages sa Commonwealth Avenue Project.
Aniya, malaking tulong ang naturang proyekto upang mabawasan ang mga aksidente sa Commonwealth Avenue.
Ang proyektong ito ay isang private public partnership (PPP) na inisponsor ng Pilipinas Shell Petroleum Corporation, Metro Manila Development Authority (MMDA), tanggapan ni QC 2nd District Rep. Winston Cas telo, at Ako Bicol Partylist na kinatawan ni Rep. Rodel M. Batocabe.
Nasa P10 milyon ang halaga ng naturang mga signages na ilalagak sa ilang istratehikong lugar sa Commonwealth Avenue.
“Tingin ko signages lang talaga ang kulang. Alam mo na mahigpit sa pagpapatupad sa lahat ng batas pati sa jaywalking hindi lang nai-inform ang publiko. Sa palagay ko effective ito,” pahayag pa ni Belmonte.