Brigada eskuwela umarangkada na
MANILA, Philippines - Inumpisahan na ng Department of Education (DepEd) ang taunang “Brigada Eskwela” ng ahensya na layong makumpuni, malinis at makalikom ng mga kagamitan para sa mga silid-aralan sa pamamagitan ng bayanihan ng mga guro, magulang at mga mag-aaral bago sumapit ang pasukan.
Isang “Brigada Eskwela motorcade” ang pinangunahan kahapon ni Education Secretary Bro. Armin Luistro mula DepEd Main Office sa Ortigas Center, Pasig pa tungo sa Bago Bantay Elementary School na siyang inumpisahang linisin kahapon.
Maagang nagsidatingan ang mga guro sa naturang paaralan at inumpisahan ang paglilinis bago pa man dumating ang mo torcade nina Luistro. Kasama rin sa programa ang pagtulong ng mga tauhan ng lokal na pamahalaan at mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines.
Sa pamamagitan ng Brigada Eskwela, binubuhay ng DepEd ang kaugaliang “Bayanihan” sa mga magulang at guro upang maisulong ang ma ayos na pook-aralan ng kanilang mga anak bilang ganti na rin dahil sa libreng edukasyon na ibinibigay ng pamahalaan.
Bukod dito, milyun-milyong halaga ng pondo ang natitipid ng ahensya dahil sa kontribusyon ng mga pribadong kompanya sa mga kagamitan, tulong ng mga lokal na pamahalaan, at natitipid sa pagbabayad ng tauhan para sa pagkukumpuni.
Nanawagan rin ang DepEd sa mga pribadong kompanya na makiisa sa programa nilang “Adopt-A-School program” kung saan mistulang inaampon nito ang isang paaralan na siyang magpapaunlad at mamamahala dito para sa kaunlaran ng mga mag-aaral.
- Latest
- Trending