China itinangging jet fighter nila ang nakita sa may Spratly
MANILA, Philippines - Itinanggi ni Chinese Defense Minister Liang Guanglie na nagpalipad ang kanilang security forces ng jet fighter noong Sabado na lumikha ng tension sa pagitan ng China at Pilipinas ng may mamataan na fighter jet ang Air Force sa may Spratly island.
Sinabi ni Guanglie at delegado nito ng magsagawa ng courtesy call kay Defense Sec. Voltaire Gazmin sa Camp Aguinaldo na hindi nila jet fighter ang namataan ng Air Force helicopter na nagsasagawa ng aerial patrol sa Spratly island noong Sabado.
Ayon kay Gazmin, nilinaw sa kanya ni Guanglie na nabasa nito sa pahayagan ang umano’y pamba-buzzle ng MIG jet fighters ng China sa helicopter ng Philippine Air Force na nagsasagawa ng ‘aerial patrol ‘ sa Spratly kamakailan.
Ipinaliwanag aniya ni Guanglie na sa kanilang imbentaryo ay walang mga MIG jet fighters ang China na lumilipad sa pinag-aagawang teritoryo sa Spratly Islands na kasalukuyang nasa ‘status quo’.
Kabilang sa mga bansang nag-aagawan sa Spratly Islands na mayaman sa depositong mineral at langis ay ang Vietnam, Taiwan, Brunei, Malaysia, Pilipinas kung saan ang pinakamapangahas ay ang China.
- Latest
- Trending