Bigcas inilagay sa 'HDO' watchlist ng BI
MANILA, Philippines - Inilagay na sa watchlist ng Bureau of Immigration (BI) ang negosyanteng si Allan Bigcas matapos itong hindi dumalo kahapon sa pagdinig sa House sub-committee on Ways and Means.
Ang paglalagay sa watchlist kay Bigcas ay inihayag ni Justice Secretary Leila de Lima sa harap ng mga mambabatas sa ginanap na pagdinig matapos hindi sumipot si Bigcas at mangakong ipapakita ang mga dokumento na nagpapatunay na hindi smuggled ang kanyang mga sasakyan at mga imported na motorbikes.
May pangamba ang mga kongresista na posibleng makalabas ng bansa at takbuhan ni Bigcas ang mga kakaharaping kaso kayat dapat itong isailalim sa watchlist bunsod sa wala pa itong Hold Departure Order (HDO) dahil na rin sa wala pa itong kasong kinakaharap at ang korte lamang ang maaring mag isyu nito.
Nagbabala din ang mga mambabatas sa pangunguna ni Sub-Committee on Ways and Means Chairman at Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas na kapag hindi pa muling sumipot sa susunod na pagdinig si Bigcas ay isasailalim nila ito sa contempt at kauna-unahang “overnight guest” ng House of Representatives.
Siniguro naman ni de Lima sa panayam na hindi nila palulusutin si Bigcas kayat naghahanap na ang DOJ katuwang ang Bureau of Customs (BOC) ng iba pang mga maaring ikaso laban dito at pag-aaralan din nila kung paano makakatulong ang tinaguriang “black book” na pag-aari ng negosyante kung saan nakasulat ang malalaking pangalan ng mga personalidad kabilang na dito ang isang Governor Jalosjos, Bullet Jalosjos, isang Colonel at Mayor Dimaporo.
Nilinaw naman ng Kalihim na nasa kustodiya pa rin ng BoC Cagayan de Oro ang mga nakumpiskang motorbikes at wala pa ito sa kustodiya ng Estados Unidos dahil pinoproseso pa ang shipment nito ng gobyerno ng Amerika.
- Latest
- Trending