Diokno nagbakasyon

MANILA, Philippines - Nagsumite kahapon kay Justice Secretary Leila de Lima si Bureau of Corrections (Bucor) director Ernesto Diokno ng kanyang ‘leave of absence’ upang bigyan ng ‘freehand’ ang DOJ sa isasagawang im­bestigasyon nito kaugnay ng umano’y paglabas-pasok ni dating Batangas Gov. Antonio Leviste sa kulungan nito sa New Bilibid Prison (NBP).

Sinabi ni DOJ Undersecretary Francisco Baraan, isinumite ni Diokno ang kanyang leave of absence kay Sec. de Lima kahapon ng umaga kasabay ang paninigurong makikipagtulungan ito sa isasagawang imbestigasyon ng DOJ sa kaso ni Leviste.

“Maybe out of delicadeza, he decided to take a leave of absence,” wika pa ni Usec. Baraan.

Iginiit pa ni Baraan, ang leave of absence ni Diokno ay magtatagal hanggang hindi natatapos ang imbestigasyon ng DOJ kaugnay sa kaso ni Leviste.

Itatalaga namang officer in charge ng Bucor si Assistant Director Teodora Diaz kapalit ni Diokno.

Nakasaad pa sa liham ni Diokno kay Sec. de Lima, layunin daw nito na magkaroon ng malayang pag-iimbestiga ang DOJ at Malacanang para matukoy kung sino-sino ang may liability na Bucor officials na nagpabaya kaya nakapuslit si Leviste.

“it is quite regrettable that these things happened in the midst of all my efforts in instituting genuine reforms in prison. Rest assured that her Honor and the fact-finding body can count only full support and cooperation in this on-going investigation,” nakasaad pa sa liham ni Diokno.

Samantala, mariing itinanggi naman ni Levis­te sa fact-finding body na binigyan siya ng special treatment ng mga Bucor officials.

Wika pa ni Leviste, pi­nalaki lamang daw ng media ang pangyayari at naging sensational.

Aniya, nagdaan siya sa mga opisina sa Bucor para magpaalam sana sa kanyang paglabas dahil sa sobrang sakit ng kanyang ngipin subalit walang tao sa mga tanggapan kaya nagdesisyon na lamang siyang umalis ng walang paalam.

Winika pa nito, nag-ilusyon kasi siya na miyembro na siya ng Bucor family kaya nagawa niyang hindi na magpaalam bagama’t aminado siyang mali ang kanyang ginawa.

Hindi naman kumbinsido si Sec. de Lima sa mga sinasabi ni Leviste na nakatakas lamang siya sa mga guwardiya at wala daw siyang kasabwat sa NBP.

Natuklasan naman ng fact-finding team sa pamumuno ni Assistant State Prosecutor Susan Dacanay na masyadong maluwag ang seguridad sa Minimum Security compound kung saan ay nakakulong dapat si Leviste na mayroong ‘sleeping out’ privilege.

Nang bisitahin ng probe team ang kubo na tinutuluyan ni Leviste ay natuklasan na maraming daanan ito palabas ng compound kung saan ay malaya itong makakatakas.

Una rito, isinailalim naman sa 3-month preventive suspension ang mga guwardiya at ilang opisyal kaugnay sa kaso ni Leviste na kinabibilangan nina chief custodian na si Fortunato Husto, officer-in-charge Supt. Roberto Ramo, Chief Reserve Security Group Dante Cruz, police officer Wilson Marquez, at mga prison guards na sina Francisco Liwanag at Hilario Managitan.

Hindi naman ikinagulat ni Pangulong Benigno Aquino III ang paghahain ng leave of absence ni Bureau of Corrections director Ernesto Diokno kaugnay ng kontrobersyal na paglabas-pasok sa kulungan ni da­ting Batangas Gov. Antonio Leviste.

Sinabi ni Pangulong Aquino sa ambush interview sa Bocaue, Bulacan matapos nitong inagurahan ang housing project para sa mga pulis at sundalo, noong ipatawag niya si Diokno kamakailan matapos mapaulat ang umano’y paglabas ng kulungan sa New Bilibid Prison ni Leviste ay nadismaya siya sa mga paliwanag nito.

Idinagdag pa ni PNoy, dapat lamang maparusahan ang mapapatunayang nagkaroon ng pagpapabaya sa kanilang tungkulin kaugnay ng paglabas-pasok sa kulungan ni Leviste.

Wika pa ng Pangulo, pinarepaso na rin niya sa DOJ ang iba pang preso na nabibigyan ng living out privilege.

Show comments