Mas mabigat na parusa vs mga opisyal ng Bilibid

Manila, Philippines - Sa gitna ng kontrobersyal na pagkakaaresto ng sentensiyadong si dating Batangas Governor Antonio Leviste, iginiit kahapon ni Sen. Bong Revilla Jr. na itaas ang parusa laban sa  mga opisyal ng National Bilibid Prisons (NBP) na nagiging kakuntsaba ng mga preso para ilegal na ma­kalabas ng kulungan.

Ayon kay Revilla, matinding sampal sa pamahalaan ang nabunyag na pagdakip kay Leviste at lumilitaw na may ilang penal officials ang hindi epektibong ginagampanan ang kanilang tungkulin.

Lalo lamang umanong lumakas ang impresyon ng publiko na umiiral ang diskriminasyon sa penal system ng bansa kung saan ang mga may pera at may impluwensiya ay  puwedeng makalaya.

Posible umanong magdalawang-isip ang mga tiwaling opisyal ng Bilibid kung itataas ang parusa laban sa mga gumagawa ng kasalanan.

Sa Senate Bill 2542, sinumang opisyal ng gobyerno na nakipagkuntsaba para makalabas ang isang preso nang walang kaukulang court order o authorization ay paparusahan ng prison mayor sa medium at maximum period nito o pagkabilanggo ng mula anim na taon hanggang 12 taon.

Sa kasalukuyan ay prison correctional lamang o pag­kabilanggo ng mula anim na buwan hanggang anim na taon ang parusa sa mga nakikipag-kutsabahan sa mga preso.

Show comments