MANILA, Philippines- Umapela kahapon sa Commission on Elections si Angeles City Mayor Edgardo Pamintuan na maging patas at hindi magpadala sa impluwensya ninuman kasunod na rin ng isinasagawang recount sa naging resulta ng mayoral post sa kanilang lugar
Natalo ni Pamintuan noong nakaraaang eleksyon ang reelectionist na si Francis Nepomuceno na nagsampa naman ng poll protest at hiniling na magkaroon ng manual counting sa mga kinuwestiyong poll precints. Bagamat may isang linggo nang naumpisahan ang recount ay iniutos naman ng Comelec 2nd Division na pansamantalang suspindihin ito matapos makakita ng mga discrepancy sa mga balota kabilang na ang pagtaas ng bilang ng mga spoiled ballots.
Ayon kay Pamintuan, umaasa siyang magiging patas ang Comelec sa kanyang kaso at bubusisiin ng mabuti ang bawat balota sa isinasagawang recount. Aminado ang alkalde na nangangamba sya sa impluwensya ni Nepomuceno sa Comelec para mamaniobra ang resulta ng recount dahil na rin sa dating kliyente ni Comelec Chairman Sixto Brillantes ang kanyang kalaban.
Nabatid na si Brillantes ang siyang tumatayong abogado ni Nepomuceno sa poll protest subalit nagbitiw lamang nang maitalaga na ito bilang Comelec Chair.
Sa 185 contested precints sa Angeles City ay 37 ang tinukoy ni Nepomuceno na priority precincts at sa unang apat na ballot boxes na nabuksan ay nagkaroon agad ng indikasyon na may dayaan na naganap ngunit hindi noong mismong araw ng eleksyon bagkus ay pagkatapos na ng eleksyon.
Sinabi ni Pamintuan na may 46 araw nasa kustodiya ng Treasures Office sa ilalim ni Nepomuceno ang mga ballot boxes at nang muli itong mabuksan ay lumantad ang tampering kabilang na dito ang double shading, pag-shade ng parehas na pangalan nina Nepomuceno at Pamintuan na nagresulta para maging spoil ang balota.