168 Kinder, Elem, HS magtataas ng tuition
MANILA, Philippines- May 168 pribadong paaralan sa Kindergarten, Elementary at High School sa bansa ang humingi na ng pahintulot sa Department of Education (DepEd) na magtataas ng singil sa matrikula sa pagbubukas ng klase sa Hunyo 6.
Ayon kay DepEd Assistant Director Rizalino Rosales ng National Capital Region, anim hanggang 10 porsiyento ang hinihiling na dagdag na singil sa tuition fee ng mga nabanggit na paaralan.
Sinabi ni Rosales, sa 101 mga nag-request ng ‘tuition fee hike’ ay pawang mga paaralan sa High School, 67 sa pre-school at elementary na karamihan ay nakabase sa Quezon City at Maynila.
Ani Rosales, sumasailalim pa sa masusing assessment ang kahilingan para sa dagdag na singil sa matrikula.
Kung lilitaw aniya sa pag-aaral na ‘valid’ ang nasabing kahilingan ay wala silang magagawa kundi ibigay ito upang hindi tuluyang magsara ang mga nabanggit na mga paaralan.
Sa ngayon ay wala pa silang natatanggap na reklamo sa mga magulang pero inaasahan na umano nila ang pagtutol ng mga ito.
Gayunman, mas konti umano ang bilang ng mga paaralan na humiling na magtaas ng kanilang matrikula ngayon taon, kumpara noong mga nakalipas na taon.
- Latest
- Trending