Manila, Philippines - Ipinagharap na ng panibagong kasong kriminal ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) si dating Batangas Governor Jose Antonio Leviste kaugnay ng paglabas nito sa compound ng New Bilibid Prisons (NBP) at maaktuhang nasa opisina niya sa Makati City, sa halip na nasa loob ng maximum security detention.
Kahapon, dakong 11:30 ng umaga nang dalhin sa DOJ ng mga ahente ng NBI si Leviste para sa isinampang kasong ‘evasion of service of sentence’ dahil sa pagsuway nito sa kondisyon ng ipinagkaloob sa kaniyang pribilehiyo bilang “living-out inmate” ng NBP.
Isinailalim siya sa inquest proceedings sa tanggapan ni DOJ Senior Assistant State Prosecutor Lilian Doris Alejo.
Nabatid na dahil sa surveillance na isinagawa ng isang investigative program ng ABS-CBN network nakarating sa NBI at kay Justice Secretary Leila de Lima ang impormasyon hinggil sa paggala ni Leviste sa labas ng national penitentiary
Alas-5 ng hapon nitong Miyerkules nang dakpin si Leviste ng pinagsanib na puwersa ng NBI-National Capital Region at Intelligence Division sa pag-aari niyang LPL Towers sa Legaspi Village, Makati City.
Ayon naman kay Bureau of Corrrections Director Ernesto Diokno, bukod kay Leviste, sasampahan din ng kaso ang custodial guard na si Fortunato Justo matapos na mahuling nakalabas ng NBP ng walang kaukulang permiso.
Si Leviste ay nahatulan ng 6 hanggang 12 taon sa kasong murder dahil sa pagpatay sa kaniyang aide na si Rafael delas Alas noong Enero 12, 2007.
Sakaling mapatunayan, karagdagang anim na taon ang bubunuin ni Leviste sa kulungan. Posible ding maapektuhan ang application for clemency nito na kasalukuyang nakabinbin sa DOJ.
Ipinaliwanag naman ni de Lima na hindi niya binigyan kailanman ng approval ang paglabas ni Leviste sa NBP kaya’t iligal ang ginawa nito.
Aminado si de Lima na nakaka-alarma ang natuklasang ginagawa ni Leviste dahil posibleng ginagawa rin ito ng iba pang mga high profile inmates tulad ni Rolito Go.
Malaki naman umano ang posibilidad na masibak sa tungkulin si Diokno matapos na aminin nito na alam niya ang ginagawang paglabas-pasok ni Leviste sa NBP ng walang pahintulot.
Ayon kay de Lima, inaalam na ng kanyang investigation team kung sinu-sino ang mga sangkot at kasabawat ni Leviste sa kanyang “kalayaan.” Hanggang Miyerkules ang binibigay ni de Lima sa fact finding committee.
Bagama’t inatasan na ni Pangulong Aquino si Diokno na sibakin ang mga prison guard, hindi pa rin ligtas si Diokno na pinagpapaliwanag din ni PNoy.
Samantala, matapos na malagay sa kahihiyan, inalisan na ng NBP ng kanyang “living out status” si Leviste.
Ipinaliwanag ni Diokno na binigyan ng status na “living out prisoner” si Leviste dahil sa edad nitong 71. Dahil dito, binibigyan ito ng kalayaan na makapaglakad-lakad sa compound ng NBP. Sa pagbawi nito, babalik ito sa pagiging ordinaryong bilanggo na wala umanong tatanggapin na “special treatment”.
Umapela naman ang abogado ni Leviste na si Atty. Henry Capela na huwag agad hatulan ang kanyang kliyente. Sinabi nito na karaniwang may medical pass si Leviste kapag lumalabas ng kulungan dahil na rin sa sakit nito at pagiging may edad na.
Ikinatwiran pa nito na kahit umano walang utos ng korte, binigyan ng diskresyon ang director ng BuCor o ang warden na payagang makalabas ang isang may medical emergency. Nang mahuli umano si Leviste ay pupunta ito sa dentista dahil sa sobrang sakit ng ngipin.
Iginiit naman ni CIBAC partylist Rep. Sherwin Tugna na isailalim sa preventive suspension si Diokno habang isinasagawa ang imbestigasyon upang hindi na nito mapakialaman ang mga ebidensya at maimpluwensyahan ang kanyang mga tauhan.
Ayon naman kay Bayan Muna Partylist Rep. Neri Colmenares, ang nangyari kay Leviste ay nagpapakita kung paano maniobrahin ng isang ma-pera ang mga opisyal at bantay sa bilibid dahil iba ang trato sa kanila kaysa sa mga mahihirap na bilanggo. (May ulat nina Butch Quejada/Rudy Andal/Gemma Garcia)