MILF tutol sa pag-upo ni Roxas
MANILA, Philippines - Pinalagan kahapon ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang napipintong pag-upo ni dating Senador at talunang bise presidente Mar Roxas bilang Presidential Chief of Staff sa administrasyon ni Pangulong Aquino.
Ayon kay MILF Chief negotiator Mohagher Iqbal, hindi makabubuti sa proseso ng isinusulong na peace talks ng gobyerno sa kanilang hanay kung si Roxas ang iluluklok na Presidential Chief of Staff.
“Roxas was very instrumental in opposing the signing of the MOA-AD so we do not look at it as positive factor as far as the peace process is concerned,” ani Iqbal na sinabi pang kung nais ng kapayapaan ni PNoy sa hanay ng Bangsamoro ay dapat baguhin nito ang kaniyang desisyon habang may pagkakataon pa.
Noong Agosto 8, 2008 ay nagwala sa pamamagitan ng madugong pagsalakay sa ilang bayan ng North Cotabato at Lanao del Norte ang tatlong Commander ng MILF rouge element na sina Ameril Umbra Kato alyas Commander Kato, may P10 reward; Abdurahman Macapaar alyas Commander Bravo, P10M patong at Aleem Sulayman Pangalian, P5M; matapos na mabigong lagdaan ang Memorandum of Agreement-Ancestral Domain (MOA-AD) sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Ang MOA-AD kung napagtibay ay magbibigay kapangyarihan sa MILF na magpalawak pa ang nasasakupang teritoryo ng lupain ng Bangsamoro sa rehiyon ng Mindanao hanggang sa ilang bahagi ng Palawan etc.
Nabatid na matapos magwakas ang appointment ban sa mga natalong kandidato ay plano ng bigyan ng posisyon ni PNoy si Roxas.
Siniguro naman kahapon ni Aquino na walang magaganap na kaguluhan sa Malacanang sa sandaling italaga niya si Roxas.
Wika ng Pangulo, kasalukuyang inaayos na ang administrative order upang idetalye ang magiging trabaho ni Roxas bilang presidential chief of staff. (Joy Cantos/Rudy Andal)
- Latest
- Trending